ISANG GABI NG LAMIG
Elizabeth Mapula
“Ang pangungulila’y
hihingi ng katapusan at
pagdiriwang;
ang labis na pag-iisa’y lumiligwak
din at
humahanap ng sisidlan.”
-Rebecca T. Añonuevo
Matingkad na lamig ang bumabalot
sa kabilugan ng buwan ngayong gabi.
Sinong hindi mamamaluktot?
Sinong hindi mawawala sa sarili
ngayong ubod ng kapal ang ginaw?
Nakamata lamang ang bilog na bilog
na lampara,
kuntentong nakasabit sa uling na
langit
habang tayong dalawa na nasa ilalim
niya,
walang magawa kundi pumikit
at damhin ang katotohanang
singmanhid ng hangin ang ating mga
bisig
na hindi maigalaw, at marahil hindi
na maigagalaw
dahil kapwa tayo nasanay na nakahalukipkip.
Wala tuloy tayong maiabot sa isa’t
isa
kundi mga tinging dumadaplis
mula sa ating mga mukha, patungo
sa iba:
sa mga batong nilulumot, sa mga
nagkalat na tuyong dahon,
sa kinakalawang na poste, sa mga
upuang inulila,
at sa kilalang-kilala na nating
daan,
na ngayo’y di maaninag kung may
hangganan o wala.
Hindi sapat ang tindi ng lamig para
itangi ang gabing ito.
Tulad ng nakagawian, mapapagod din
ang buwan at hihimlay
upang bigyang daan ang araw na karapat-dapat
sa ating paghihintay.
AKO SA IYONG NOO
Isang halik sa iyong noo
ang minarapat kong maging selyo
ng ating ugnayang hindi mahirap
mahiwatigan:
pagkakamayang lumalagutok,
mga tapik at suntok habang nagbibiruan,
mga akbay ng pagdamay,
at mga yakap na buhaghag sa pakiramdam.
Ngunit hindi pa man sumasayad
ang mga labi ko sa malapad mong
noo,
nasalamin doon ang aking katawan:
mapipintog na pisngi,
makikintab na balikat at siko,
maalsang dibdib at maalong tagiliran.
Paano ngayon maitatanggi
sa sarili at sa iyo
itong malinaw na panginginig ng
kalamnan?
Kaya mula sa iyong ulunan,
sinadya ko ang iyong mga labi.
Sa bawat pagkibot at pagdampi
nitong aking kalambutan,
tinangka kong mahuli nang buo
itong kauna-unahan
at iyon na lamang sandali
ng agam-agam:
pagtitig o pagkurap,
pagtingala o pagtungo,
paghawak o pagbitaw,
pagkabig o pagtulak,
pagkulong o pagpapakawala sa sarili.
Ngunit mariin at tiyak
ang pagpasok mo sa binuksan kong
pinto:
may malinaw na inaasinta,
may ritmo ang salit-salit na pamimigay
at pagdaramot,
batid ang bawat paghinga
at alam kung hanggang kailan
sa oras ay magpapalukob.
Magkagayon man, sa dulo nitong pagtatagpo,
sa pagkulubot ng mga guhit sa iyong
noo,
isang katiyakan ang imahen kong
nanlalabo.
|